top of page
  • Writer's pictureEdgar Bagasol Jr.

Gaano kahirap ang maging Nanay sa panahon ng pandemya?

Updated: Sep 24, 2021

Mabigat ang responsibilidad na kinailangang akuin ng maraming Nanay sa bansa dahil sa COVID-19. Maraming Nanay ang nakulong sa kani-kanilang mga sariling tahanan, at ang iba nama'y patuloy na nakikipagsapalaran para lang mapakain ang kanilang mga pamilya sa kabila ng bantang panganib ng pandemya. Bilang 'ilaw ng tahanan,' hindi lang sarili nila ang kailangan nilang atupagin, kundi ang kanilang buong pamliya, lalong-lalo na ang kanilang mga anak. Lalo't para sa mga mahihirap na pamilya, gaano nga ba kahirap ang maging Nanay sa panahon ng pandemya?

'Kamusta ka ate?'


Nananaig muna ang ilang segundong pananahamik at pagkatulala bago sagutin ni Anne, isang community organizer sa Tanza, Navotas City, ang aking pagtatanong.


"Ayos na hindi ayos," ang kanyang sambit habang nakaupo sa sahig, kaharap ako't pinagmamasdan ang mga anak niyang nagkukulitan sa kahoy na kuna habang dinadama ang init sa loob ng kanilang tahanan na sa aming lahat ay nagpapapawis.


"Ayos, kasi kailangan mong i-set ang sarili mo na 'okay ka lang' pero pag nagkakaroon ako ng quiet time, nananamnam ko yung lahat pressure bilang nanay, pressure bilang breadwinner, yung epekto ng pandemic sa bata, yung trabaho ko, yung problema ng community. Nagpatong-patong na lahat, nalulunod na'ko pero at the end of the day, kailangan ko pa ring maging okay kasi makikita’t makikita ng mga bata yun, lalo na’t nanay ka. Ang hirap lumabas sa'yo yung mga bagay na 'yun kasi alam mo na may umaasa sa'yo, alam mo na nakikita ka ng mga bata, hindi ka pwedeng maging mahina. Patung-patong, paulit-ulit, ang hirap mag-step forward."

'Doon muna sa mga anak ko.'


"Noong nagsimula ang lockdown last year, sobrang hirap kasi ako lang may cellphone. Lahat ng ginagawa ng mga bata kailangan picture-an, video-han, tapos kailangan nilang maghiraman. Ang hirap para sa isang ina na mamili halimbawa kung sinong ang unang gagamit ng telepono. Mahirap isipin na kailangan mag-sakripisyo nung isa para lang makapag-module yung isa. Tapos, makikita mo yung epekto sa kanila. Nabuburyo sila na gustong-gusto nilang lumabas pero hindi sila makalabas. Pag pinagbibigyan ko naman sila sa TV, ang taas naman ng electricty bill. Mas lumakas sila kumain, therefore, mas lumaki din yung gastos. Nahirapan ako kasi nakakulong kami sa bahay, tapos yung problema pasok lang nang pasok."

"Mas naging bugnutin yung mga bata kasi nga pressured sa pag-aaral. Pangalawa yung hindi sila makalabas. Nagiging bugnutin, inaaway yung mga kapatid. Tapos, mas naging mulat din sila. Minsan, sabi ng anak ko sa isang contest, 'Mama, bakit di’mo nilagay diyan yung mga Pulis, baka di tayo bigyan ng ayuda.' Nakikita din nila kung pa’no inaabsuo yung mga kapitbahay ng mga Pulis. May nakita silang batang nadapa diyan sa kanto tapos hinuli na ng Pulis. Tapos nakakita rin sila ng tintukan ng baril. In a way, maganda kasi namumulat sila pero hindi kasi dapat nila nakikita yung mga yun eh. Dati, nakakausap ko sila nang maayos. nasasabihan ko sila nang ayos. Pero ngayon, nagb-breakdown na’ko. Nao-overwhelm na’ko. Nasasabayan ko na rin ng galit. Nasisigawan ko sila. Pagkasigaw ko, iyak na'ko nang iyak tapos titigil na sila, which is alam ko na hindi tama, kaso sa liit ng bahay namin, paano mo iki-keep yung ganitong bigat sa pakiramdam. Tumatahimik sila. Nakikita naman nila, nagtatanda naman sila."

'Ang bigat na pero ang hirap humindi.'


"Sa trabaho ko naman bilang community organizer, ang daming lumalapit, pumupunta, tatawag sa’kin, kahit na lockdown, para lang humingi ng tulong. Literal na takbuhan akong parang barangay. Dahil sa sobhrang dami, ang bigat na para sa akin kasi una, naa-absorb ko yung problema nila tapos, wala din akong magawa kasi walang-wala din ako. Ang sakit lang na may dadaing sa’yo, umaasa sa’yo, pero minsan wala ka ring magawa. Lagi kong sinasabi sa sarili ko at sa asawa ko na ‘wag mo na lang muna harapin.’ Pero madalas talaga ang hirap humindi. Pero minsan talaga, hindi ko na kaya. Yung simpleng pakikinig ay mahirap na ‘yun. Pero mahalaga sa kanila na may nakikinig sa kanila eh kaya masakit din sa kalooban ko na hindi tumulong."

"Pero pag di ko na kaya, umiiyak ako, iiyak na’ko lalo pag may problema dito sa bahay. Sumasabog ako kapagka-ganun. Pag makukulit ang mga bata, natotorete ako, mapapasigaw ako tapos iiyak. Tapos kapag nasumbungan ako ng mabigat, pagka-alis niyan, iyak nako nang iyak habang ineedorse ko yung case. May fulfillment, oo, isa yun sa reason kaya di rin ako makatanggi kasi pag binabalikan ko sila at nakikita kong okay na sila, ang sarap sa pakiramdam. Ang sarap sa pakiramdam na, isa ka sa mga rason na naging okay yung sitwasyon nila. Ang sarap sa pakiramdam na nagpapasalamat sila sa'yo dahil natulungan mo sila."

"Kailangan ko talagang umiyak. May time na naghahanap ako ng kausap kasi kailangan kong ilabas yung nararamdaman ko. Kaya kapag sumasabog na’ko, kino-contact ko talaga yung mga kaibigan ko, ka-trabaho ko. Kapag nagsama-sama na lahat, babalik yung mga nakaraang experience mo at dadagdag pa yung mga kasalukuyan kong problema. Pakikipag-usap, pag-iyak, tapos gustong-gusto kong nakikita na masaya ang mga bata. Bibili ako ng kung ano kahit ubos na ang pera ko; gusto kong makita na may makain sila. Kahit alam ko na ubos na yung budget, bibili ako ng masarap para sa kanila kasi natutuwa ako kapag nasasarapan sila sa pagkain, masaya sila. Dun ko na lang binabawi."


'Kami ang sumalo ng lahat.'


"Isa sa mga burden sa kababaihan is yung sila yung sumalo ng lahat. Yung mga dating asawa nila na nagha-hanapbuhay na ngayon ay napilayan, wala sa kanila ang diskarte eh kaya kailangan ang babae ang dumiskarte para may makakain. Sobrang bigat ng pandemyang ito para sa mga kababaihan, physically, mentally, at emotionally. Akala kasi ng iba, pag lockdown, bahay ka lang, ‘sumunod na lang sa protocol’ pero di nila iniisip na yung lockdown na yun may epekto sa kananayan, may epekto sa trabaho, sa mga bata. Lahat ng problema na dulot ng lockdown, umiikot sa bahay, ang maga-absorb niyan ang mga nanay. Sino yung pupunta sa community pantry? Sino yung kakatok sa kapitbahay? Sino yung magpo-post sa Facebook na 'tumatanggap po ako ng labada, ng linis. para lang may makain ang pamilya ko.' Kahit ano tatanggapin, gagawin nila."

"Sila puno ang refrigerator. Sa simpleng mamamayan na kailangang kumayod, lalabas siya kasi kailangan niya ng pagkain para sa pamilya niya. Hindi lalabas ang tao kung hindi sila nagugutom. Yun ang kailangang maunwaaan ng mga naninita na ‘sumunod na lang kayo.’ Maraming sumusunod, pero sa kakasunod, nagkakamatay-matay na sila. Siguro buksan lang natin yung isip natin, sa kalagayan ng lahat; na totoo ang ‘isang kahid isang tuka’ sa aming mga mahihirap—yan ang realidad."

'Hindi kami maghihirap kung maayos ang sistema.'


"Sa totoo lang, pakiramdam ko nagka-COVID na rin ako pero ang ginawa ko na lang, nagpalakas sa sarili kong tahanan. Kasi dito sa amin, nakakatakot kapag ikaw ay tinest. Expected namin na kapagka ia-isolate ka, may pagkain na darating sa bahay mo kasi maiiwan mo yung pamilya mo eh, pero wala. Hindi ka na nga aalagaan dun [isolation facility], tatanggalan ka pa ng pagkakataon na maalagaan ang mga anak mo. Wala man lang nakaisip na kailangan din nilang mabigyan ng tulong yung mga pamilyang maiiwan. Kasi ang magkakasakit yung breadwinner, o di kaya yung food provider. So, pag tinanggal mo yan sa bahay nila, sinong magpapakain sa mga pamilya nila? Alcohol, vitamins, pagkain, wala."

"Panawagan ko sa pamahalaan, tulungan niyo rin naman po yung mga mahihirap. Kahit man lang pagkain at health kits para sa mga pamilya. Yun ang kailangang kailangan namin. Pangalawa, yung mga polisiya, pahirap sa tao yan eh. Kaya nga lumabas yung tao kasi bibili ng pagakain o di kaya mangugutang tapos huhuliin? Edi na-expose yan pag nilagay mo sa isolation facility. Kung alam niyo lang kung anong itsura nung isolation facility nila dito, parang kulungan. Yung pambili ng pagkain, pambayad pa ng ticket. Hindi kami maghihirap kung maayos ang sistema. Yung mga polisiya nila, para ba talaga siya sa tao? Hindi pasaway ang mga tao. Maraming sumusunod. Ilang taon niyo pang papahirapan ang mga tao, lalo kaming mga mahihirap?"

Sa mga magulang, nanay na kagaya ko, mahal natin ang pamilya natin pero mahalin din natin ang mga sarili natin. Kausapin natin ang sarili natin, kamustahin natin; ailangan unawain, mahalin, at bigyan ng pansin ang ating mga sarili. Aminin natin kung ano yung mga nararamdaman natin kasi hindi natin maaalagan yung mga gusto nating alagaan kung wasak tayo. Likas sa’ting mga kakabaihan ang malakas, yung kaya nating buhatin lahat–pamilya, asawa, mga anak–pero kailangan din nating pagtuunan ng pansin ang mga sarili natin.
 

Maraming ubran poor communities sa bansa ang lubhang naapektuhan ng pandemya at isa rito ang mga taga-Tanza, Navotas City. Marami sa mga pamilya roon ay nangangailangan ng pagkain, gamot, at personal protective equipment (face mask, face shield, alcohol, etc.). Maaaring magpadala ng donasyon sa mga detalyeng nasa ibaba:


GCASH - Franilyn Lampitoc (09974674903)

Address: Block 30 Lot 5 Specialized Housing, Tanza 2, Navotas City

148 views0 comments

Recent Posts

See All
bottom of page