top of page
  • Writer's pictureEdgar Bagasol Jr.

Hinaning ng mga Dumagat Remontado

Updated: May 23, 2021

"Masakit man tanggapin ngunit wala na kaming magagawa kundi bumangon." Ito na lamang ang nasabi ni Alvin, isang Indigenous People (IP) youth leader, habang pinagmamasdan ang mga inanod na bahay ng kanyang mga kapatid na Dumagat Remontado sa Tanay, Rizal.

"Hindi pa nga tapos ang pandemya ay sinubok naman kami ng isang bagyo na umanod sa aming mga tahanan," pagbabahagi ni Alvin.


Isa ang mga Dumagat Remontado (IP group) sa mga lubhang naapektuhan ng sunod-sunod na sakuna nitong nakaraang taon. Noong tumama ang bagyong #UlyssesPH sa bansa, inanod ng bahang sanhi nang pag-apaw ng Tinapak river ang marami sa kanilang tahanan. Ito ay nangyari sa gitna ng pandemya na lalong naglugmok sa kanila dahil pagbagsak ng turismo sa lugar na isa sa kanilang pangunahing ikinabubuhay.

Para kay Alvin, "marahil ito ay sukli ng kalikasan sa mga ginagawa ng tao sa kanya."

"Kung kaya't lalo kaming nababahala ngayon na patuloy ang pagpapatayo sa Kaliwa Dam na maaaring tuluyang maglunod sa aming komunidad kapag dumating muli ang ganitong sakuna," pag-aalala ni Alvin.


"Hindi lang nito nanakawin ang aming mga lupa at tahanan, kundi ang aming kultura na kakabit na ng kalikasan," dagdag niya.


Ang Kaliwa Dam ay isa mga proyekto ni President Rodrigo Duterte sa ilalim ng kanyang "Build, Build, Build" program na ang pondo ay inutang pa sa China. Layunin ng dam na ito maibsan ang kakulangan ng water supply sa Metro Manila.

Gayunpaman, ito ay tinutulan ng maraming grupo, maging ng mga eksperto, sanhi ng mga masasamang dulot nito hindi lang sa kalikasan, kundi sa mga komunidad na maapektuhan.


Ayon sa Asian Farmers Association for Sustainable Rural Development, kasama ang mga Dumagat Remontado sa estimated na 10,000 na pamilyang malulunod kung sakaling maging operasyonal ang nasabing dam. Babahain din nito ang estimated na 37,700 hectares ng kagubatan sa Sierra Madre na maaaring magresulta sa pagkawala ng 96 endemic species.

Sa kabila nito, ang pagpapatayo sa dam ay nagpapatuloy sa kasalukuyan. Inaasahang matapos ang proyektong ito sa 2025. Ibig sabihin, pagkatapos ng limang taon mula ngayon, ang kinakakatukan, hindi lang ni Alvin, kundi ng buong Dumagat Remontado ay maaaring mangyari.


Pagbabahagi ni Kaloy, "hindi kailanman masasabing pag-unlad ang pag-unlad kung may mga taong mamamatay, may mga tahanang mawawala, may kalikasang masisira. Sana'y maisip ng mga nasa taas ito."


"Kakampi namin ang kalikasan. Hinding-hindi kami aalis sa kabundukan, dahil ang bundok ang buhay namin," pagtatapos niya.


95 views0 comments

Recent Posts

See All
bottom of page