top of page
  • Writer's pictureEdgar Bagasol Jr.

'Hindi na gaya ng dati'

Malaki ang naging epekto ng pandemya sa mga kabataan. Maraming bata halimbawa ang pansamantalang tumigil sa kanilang pag-aaral dahil hindi sila makasabay sa 'digital' na moda ng pagkatuto o di kaya nama'y sa kawalan ng kakayahan upang tustusan ang kanilang mga pangangailan para mabuhay araw-araw sa gitna ng pandemya.

Sa Taguig City, maraming LGBT youth member ng PNR Gay Movement ang nahinto sa pag-aaral at nawalan din ng trabaho. Ngunit para sa kanila, bukod sa mga ito ay higit na naapektuhan ng pandemya ang kanilang samahan bilang organisasyon. Sa paglalarawan nila'y, "hindi na gaya ng dati."


"Naging mahirap para sa amin kasi mahirap na kami eh. Tapos lalo pa kaming nawalan kasi nga nawalan kami ng trabaho. Buti sana kung may trabaho kami eh. Buti yung ibang kaibigan namin, may trabaho pa rin. Mga housekeeper. Pero pag housekeeper ka kasi hindi ka pwedeng lumabas." - Michelle, 20


"Ngayon medyo maluwag-luwag na. Actually, mahigpit pa rin, tinatakas takas lang namin. Bukod sa pag-gay lotto at inuman, libangan na talaga namin dito ang paglalaro ng volleyball. Dito sa court. As in, araw-araw yan dati. Inaabot kami hanggang alas dos nang umaga. Pagkatapos ng laro, inuman ganun." - Raymond, 24


"Hindi lang kasi siya laro para sa amin eh. As in, dinadayo yung mga laro namin ng ibang kabataan mula sa ibang barangay. Pampatanggal kasi siya ng stress lalo pag nasisigawan ako sa bahay, naglalaro ako. Tsaka bukod dun, nakakasalamuha mo yung mga kaibigan mo. Kami-kami lang din naman magkakasama dito, so kami-kami lang din magdadamayan sa bawat isa." Jason, 17


"Nakaka-miss lang din siya. Ito na lang talaga ang libangan ko ngayon kasi hindi ko rin naman nagagawa yung mga modules ko eh. Hindi talaga siya nagwo-work sa'kin. Ni isa, wala pa kong naipasa. Bahala na. Ako din kasi panganay sa amin kaya kailangan ko alagaan yung mga kapatid ko." JJ, 15


"Wala akong regular na trabaho ngayon. Dati nagtinda-tinda ng kung ano-ano pang-tustos lang. Pagkatapos nitong pandemya, maghahanap na talaga ako ng trabaho. Mahirap kasi talaga pag walang-wala ka eh. Yung araw-araw mong po-problemahin kung may makakain ka ba ngayon araw? Ganun. Tsaka yung pagg-gay lotto ang nami-miss ko talaga. Maliit man yung paganap pero alam mo yun, marami kang napapasaya. Gusto ko kasi ng ganun. Nagpapasaya ng tao. Dati, pag may gay lotto dito, puno ang buong court. Pati sa mga bubong, may nanonood...Pinakapaborito ko yung National Costume portion kasi dun mo nakikita talaga yung creativeness ng isang kandidata eh. Yung kukuha ka ng mga dahon-dahon sa tabi, yung kumot ganun. Basta masaya." - AC, 21


"Hindi na gaya ng dati. Pero alam mo yun, pinapasaya na lang namin yung mga sarili namin sa pamamagitan ng mga activities na ito. Kasi wala din kaming magagawa kung maglulugmok lang kami. Pagkatapos talaga nitong pandemya, aaraw-arawin namin ang paglalaro. Nakaka-miss kasi. Yung bola, yung court, yung mga tao, yung mga nanonood sa'yo. Ang sarap lang sa pakiramdam. Tsaka yung gay lotto? Diyos ko! Isa siguro yun sa mga pinakamagandang karanasan ng mga beki. Nakaka-proud." - Michelle, 20



147 views0 comments

Recent Posts

See All
bottom of page